Saturday, April 28, 2012

Gabi at ang Bituin


minsan isang gabi
madilim at hindi magawa ng buwan
sumilip upang bigyan ng ningning ang gabi
napatingala ako at may mga bituin
pa rin pala.


minsan isang gabi
madilim at wala akong makita
kundi ang dilim na tila'y nagsasabing
ako ay nag-iisa


kasabay nito ang pag-agos
ng mga butil ng luha
kasabay ng pag-ihip
ng malamig na hangin
nakaakap sa pusong walang saya.


sa kailaliman ng gabi
nakakita ako ng isang bituin
iba ang kanyang ningning
at namangha ako sa taglay nitong
ganda


ngunit ako ay biglang natakot
na ito ay mawala
at tuluyang dumilim ang gabi
at tuluyang pumatak ang luha
at tuluyang ako ay mag-isa.


minsan isang gabi
pinangarap kong hindi mag-isa
kasama ang maningning na bituin
na ngayon ang liwanag...
ay unti-unting lumalamlam...
nagbabadya ng kanyang paglisan.


kasabay nito napaisip
ang nagpupuyos na damdamin
na gustong magtago sa dilim
ng gabi

kung bakit
ang nag-iisang tala
na nagbibigay ng liwanag
sa pusong salat sa pagmamahal
ay kailangan lumisan
at kainin ng dilim
ang natitirang ligaya.

0 comments: